Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na hindi dapat ikabahala ang dalawang bagong sub-variants ng mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19 na BA.4 at BA.5.
Una nang iniulat ng World Health Organization (WHO) na sinusubaybayan nila ang ilang dosenang kaso ng dalawang bagong sub-variants ng Omicron upang alamin madali itong makapanghawa at kung mapanganib.
Ayon sa WHO, ang BA.4 at BA.5 ay "sister" variants ng orihinal na BA.1 Omicron variant, na isinama na sa kanilang sinusubaybayan.
Sinusubaybayan din ng BA.1 at BA.2—na globally dominant ngayon—pati na ang BA.1.1 at BA.3.
“Although there have been detected cases in South Africa, Botswana, Belgium, Denmark and the UK, this should not be any cause of concern,” pahayag ng DOH sa mga mamamahayag sa Viber message.
“There are also early indications that these new sub-lineages are increasing as a share of genomically confirmed cases in South Africa. There are currently no reported spike in cases, admissions or deaths in South Africa,” patuloy nito.
Iniulat ng Health Security Agency ng UK na ang BA.4 ay nakita sa South Africa, Denmark, Botswana, Scotland at England mula Enero 10 hanggang Marso 30.
Ang lahat ng BA.5 cases ay nasa South Africa hanggang nitong nakaraang linggo. Pero nitong Lunes, sinabi ng health ministry ng Botswana na mayroong natukoy sa kanila na apat na kaso BA.4 and BA.5.
Lahat umano ay nasa edad 30-50, fully vaccinated at nakararanas ng mild symptoms.
Ayon sa Health department, wala pang naiuulat ng naturang sub-variant sa pinakahuling sequencing run ngayong Abril.
“However, as of the latest run we have yet to detect the recombinant variant Omicron XE or any other recombinant variant for that matter,” anang DOH.
Ayon sa WHO, ang XE kombinasyon ng BA.1 at BA.2 sub-variants ng Omicron.—FRJ, GMA News