Nasaksihan ng grupong sakay ng bangka na maghahatid sana ng tulong sa mga tao ang lagim na idinulot ng landslide sa Abuyog, Leyte, na 12 katao na ang kumpirmadong nasawi.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa video na papalapit na sana ang mga rescuer sa pangpang nang maganap ang pagguho ng lupa at putik na papunta sa kanilang direkyon.
Dali-daling umatras ang grupo at tila hinahabol sila ng alon matapos umabot sa tubig ang pagdaloy ng gumuhong lupa at putik na dulot ng pag-ulan mula sa bagyong "Agaton."
“May mga naiwan, may naririnig pa kami roong mga boses. Humihingi ng tulong," ayon kay Irish Suganob na sakay ng bangka.
"Papalapit pa lang kami ng bangka. Wala kaming nagawa kasi ‘yung lupa bumubuhos,” patuloy niya.
Ayon kay Irish, kabilang ang boses ng mga bata sa kanilang nadinig.
“Wala, sorry. Nag-try kami i-rescue, wala, hindi kaya. Hindi talaga…Yung mga bata, ‘yun ang kawawa eh,” saad niya.
Batay sa tala ng search and retrieval cluster, nasa 12 katao ang nasawi sa Abuyog dahil sa landslide.
Hindi pa malinaw kung ilan ang nawawala.
Sa kabila ng banta ng posible pang pagguho ng lupa, sinabi Colonel Noel Vestuir, Command 802nd Brigade Army, na magpapatuloy ang rescue operations.
Gumagamit na rin ng K9 units para sa isinagawang rescue and retrieval operations sa mga posibleng natabunan sa kanilang mga bahay.
“Kahit na medyo may risk dahil may threat pa ng landslide ay hinahanapan pa rin ng paraan ng rescuers natin na ma-rescue itong buhay kahit sa retrieval. Tuloy-tuloy ang ginagawa natin,” anang opisyal.
—FRJ, GMA News