Sugatan ang anim na riders matapos sumemplang sa Road 10 sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng gabi dahil sa nagkalat na putik sa daan.
Iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes na ayon sa brangay captain, nanggaling ang putik sa isang dump truck na napadaan sa isang hump kaya bumukas ang likurang pinto nito na naging dahilan upang matapon ang kargang putik.
Hinabol umano ng mga tanod ang trak, pero hindi na ito naabutan.
Ilang oras umanong naapektuhan ang daloy ng tapriko sa lugar bago tuluyang naalis ang putik.
Samantala, ginagamot na sa ospital ang mga rider na nagtamo ng minor injuries dahil sa insidente. —LBG, GMA News