May nakikitang pag-asa ng posibleng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo ang isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

Sa panayam ng Dobol B TV nitong Huwebes, sinabi ni Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, bumaba sa nagdaang tatlong araw ang presyuhan ng krudo sa world market.

“Bumababa po ang price. I hope na matuloy ngayong araw hanggang bukas ang pagbaba o ma-maintain ang pagbaba para po masigurado natin na may rollback next week,” pahayag ni Abad.

“Hindi muna ako magsasabi ng figure pero malaki ang indikasyon na talagang may rollback as far as three trading days are concerned,” patuloy niya.

Paniwala ni Abad, may epekto sa pagbaba ng presyo ng krudo sa world market ang negosasyong nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Pero nangangamba rin ang opisyal na baka maudlot  ang price rollback sa krudo sa world market dahil na rin sa mga ulat na nagkakaroon ng  problema sa naturang negosasyon ng dalawang bansa.

Kabilang sa mga napagkasunduan sa ginagawang pag-uusap sa Istanbul ang pagbabawas umano ng Russia ng puwersa nito sa Ukraine.

Gayunman, may mga ulat na hindi talaga umaatras ang Russia at sa halip ay posibleng bumubuwelo lamang umano ang mga tropa nito.

Ngayong linggo, nagkaroon muli ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas matapos makahinga ng isang linggo sa sunod-sunod na oil price hike.

Batay sa datos ng DOE, ngayon taon ay umabot na sa P18.30 per liter ang itinaas o nagdagdag sa presyo ng gasoline, P27.85 per liter sa diesel, at P25.75 per liter sa kerosene hanggang nitong March 29.— FRJ, GMA News