Nasawi ang isang katao habang 14 ang sugatan nang bumangga at magpaikot-ikot sa kalye ang isang pampasaherong UV Express van na mabilis ang takbo sa P. Tuazon Boulevard, Project 4, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente bago mag-11 p.m. ng Martes.
Matapos bumangga sa gilid, tumagilid at nagpaikot-ikot nang dalawang beses ang sasakyan.
Makikita rin sa CCTV na tumilapon ang isang tao mula sa van, na gumapang sa kalsada.
Maya-maya, nagsilabasan na ang mga pasahero mula sa bintana ng van, habang nagtakbuhan naman ang mga residente para rumesponde at tumulong.
Sa isang larawan, makikita ang nadurog na harapan ng van, kung saan basag din ang windshield, mga salamin at bintana.
JUST IN: 1 patay, mahigit 10 sugatan matapos sumalpok ang UV Express sa puno sa P Tuazon Blvd. Proj. 4 Quezon City. @gmanews pic.twitter.com/EpdmdRPkxS
— James Agustin (@_jamesJA) March 22, 2022
Dinala ang 14 kataong sugatan sa ospital, kabilang ang driver.
Patay ang isang babaeng pasahero, na nakuha ang pagkakakilanlan pero hindi pa naipapaalam sa mga kamag-anak ang pangyayari.
Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng malakas na kalabog at inakala nilang dahil ito sa ginagawang kalsada sa lugar.
Pero nagulat sila nang makita ang nakatagilid nang van.
Inilahad ng ilang pasahero na galing sila ng terminal sa Cubao at papunta ng Montalban, Rizal.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bumangga ang van sa puno at gate ng isang bahay, na natanggal dahil sa lakas ng impact.
Hindi naman nadamay ang nakaparadang sasakyan ng residenteng si Fred Valenzuela.
Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police District Sector 3 sa dahilan ng aksidente. —Jamil Santos/KG, GMA News