Nabawi na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walong-buwang-gulang na sanggol na "ipinaampon" na may kapalit na pera ng kaniyang ina na nabaon umano sa utang dahil sa online sabong.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nakuha ng mga tauhan ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI ang sanggol sa Sta. Cruz, Laguna.
Dinakip sa naturang operasyon ang magka-live in na sina Imelda Maligiran at Nigerian national na si Maxwell Brine.
“Marami kaming techniques na inemploy at nakipag-coordinate kami sa various agencies and also nakipagtulungan din sa amin ang Facebook,” ayon kay Atty. Jannet Francisco, hepe ng NBI-AHRTD.
Hinahanap pa ng NBI ang nagsilbing "middleman" sa naganap na transaksiyon.
“You can run, but you cannot hide. Mahaba po ang kamay ng batas at asahan niyo hindi kayo pababayaan ng NBI. Hahabulin naming kayo. Kaya itigil niyo na yan,” pahayag ni NBI Director Eric Distor.
Bukod sa mga naaresto, sinabi ng NBI na mahaharap din sa reklamo ang ina ng sanggol dahil sa paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.
Una rito, sinabi ng 22-anyos na ina ng sanggol na tumanggap siya ng P45,000 sa taong umampon sa kaniyang anak.
Napag-alaman na nalubog sa utang ang ina dahil sa pagkalulong sa online sabong.--FRJ, GMA News