Nalunod ang isang 26-anyos na lalaki sa swimming pool ng isang resort sa Pasay City.
Nakilala ang biktima na si Kevin Briones, ayon sa ekslusibong ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na nasa gilid ng swimming pool kung saan maraming ibang guests ang naliligo.
Lumusong siya sa tubig at pagdating sa may gitna ay tila lumubog. Pilit niyang iniaangat ang sarili at itinataas ang kamay ngunit tuluyan ding lumubog.
"Parang kumakaway siya pero 'di pinapansin. Akala siguro nila parang lumalangoy lang din kaya 'di pinansin," ani Police Lieutenant Alexander Macarunay, deputy station commander ng Malibay Substation.
"At siguro ang mistake ng tao diyan 'pag pumunta ka sa pool, marunong kang lumangoy supposedly," dagdag niya.
Ayon sa isa sa mga kaibigan ng biktima, nag-inuman sila bago lumusong sa pool si Kevin.
Wala raw lifeguard na naka-duty nang mangyari ang insidente, ayon sa kanila.
Matapos ang isang oras ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa malalim na bahagi ng pool. Tatlong staff ang nagtulong-tulong na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR ngunit hindi na na-revive ang biktima.
Sa burol para sa biktima, naglabas ng hinanakit ang kamag-anak ni Kevin.
"Hindi mangyayari sana 'yon kung naisalba ang kapatid ko. Kung may nakabantay sana, hindi mangyayari," ani Lyka Briones, kapatid ng biktima.
"Sobrang hirap tanggapin kasi 'yung mga kasama niya nakatayo na. Tapos 'yung anak ko nakabulagta. Sobrang hirap tanggapin talaga," ani ina ng biktima na si Gloria Briones.
Breadwinner daw ng kanilang pamilya ang nasawi.
Wala pang pahayag ang resort tungkol sa insidente.
Pansamantala namang isinara ang resort habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —KG, GMA News