Tatlong van na naglalaman umano ng mahigit isang toneladang shabu na tinatayang P10 bilyon ang halaga ang naharang ng mga awtoridad sa Infanta, Quezon. Ang droga, galing umano sa isang yate.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hinarang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Infanta-PNP ang tatlong van sa inilatag na checkpoint sa Barangay Comom sa nasabing bayan.
Isinagawa ang operasyon kaninang madaling batay sa nakalap na impormasyon ng NBI tungkol sa nasabing droga na pawang nakalagay sa packaging ng tsaa.
Nakalagay ang mga ilegal na droga sa plastik at nakasilid sa mga sako nang madiskubre sa van.
Arestado ang sampu katao na ang iba ay nagdahilan na hindi nila alam na ilegal na droga ang kanilang kargamento.
Ayon sa awtoridad, galing ang mga ilegal na droga sa isang yate. Inilipat umano ang mga ito sa isang malaking bangka, at dinala sa mga van na nakaparada sa isang private resort.
Isang satellite phone din ang nakuha sa sasakyan na isasailalim sa forensic investigation upang matukoy kung sino pa ang katransaksyon ng sindikatong nasa likod nito.
--FRJ, GMA News