Arestado ang isang babae na may 11 outstanding warrant of arrest at nakatangay umano ng P50 milyon sa mga naging biktima niya sa investment scam gamit ang diagnostic laboratory.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Riza Marasigan.

"Sa investment, nagbigay ng 20% rebate monthly basis doon sa entire gross ng investment," sabi ni Police Lieutenant Colonel Benedict Poblete, Provincial Officer ng CIDG-Batangas.

Ayon pa sa CIDG, inengganyo ni Marasigan na mag-invest ang mga biktima, kasama ang mga doktor at nurse, sa naturang laboratoryo na part owner ang suspek.

Nang magreklamo ang mga kasosyo dahil hindi na umano tama ang ginagawa ng suspek, nagpatuloy pa rin sa pagkuha ng investment si Marasigan kahit hindi na siya bahagi ng naturang laboratoryo.

Nawalan ng mahigit P1 milyon ang dating kasosyo ni Marasigan na si Cherry Macaraig.

"Nakakagalit po kasi ang dami dami po namin na naloko niyan ng ganu'ng pananalita na meron palang... katulad ng St. Athanasius namin, marami po siyang nabiktima na ginagamit niya 'yung aming laboratory," sabi ni Macaraig.

"Nakanotaryo so akala ko totoo kasi nga pinagawan niya ng MOA, so may panghahawakan ako. P1.2 million [ang natangay sa akin]," anang complainant na si Dra. Cecil Ablehina.

"'Yung pera dapat ibalik niya 'yon, nangako siya nang nangako sa akin hanggang 2017 up to now nangako siya na hindi naman nawawala 'yung pera," sabi ng isa pang complainant na nurse na si Sharon Albotra.

Natangayan naman ng P3.5 million ang seaman na si Santos Ibon, na family friend ng suspek.

"Majority kasi noon ang involvement sa misis ko," sabi ni Ibon.

Patuloy na sinusubok ng GMA News na makuha ang panig ng suspek.

Ayon kay Poblete, mayroong 23 complainants laban sa suspek, na naniningil na ibalik niya ang nasa P50 milyon. —Jamil Santos/FRJ, GMA News