Inihayag ng opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tiniyak ng mga alkalde sa Metro Manila na nakahanda sila kapag ginawang Alert Level 0 na ang rehiyon.
Nakatakdang pag-usapan muli ang alert level sa Metro Manila, na kasalukuyang nasa Alert Level 1 hanggang Marso 15.
Matapos nito, pagpapasyahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kung mananatili ba ang alerto o ibababa pa.
"Ang desisyon po ng Metro Manila mayors ay nakahanda ang buong Metro Manila sa pagbaba from 1 to 0. Puwede na po kami," pahayag ni MMDA General Manager Frisco San Juan Jr., sa panayam ng GMA News’ Unang Balita nitong Martes.
Nang tanungin si San Juan kung irerekomenda ba ng mga alkalde ng NCR sa IATF ang Alert Level 0, tugon ng opisyal, “Opo.”
Gayunman, sinabi ni San Juan na susunod ang mga alkalde ng NCR sa magiging pasya ng IATF.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na pinag-aaralan ng pamahalaan na ibaba pa ang alert level status sa COVID-19 protocol.
Ayon kay Duque, anim na araw na magkakasunod na hindi umabot sa 1,000 ang daily COVID-19 cases sa bansa. Samantala, kabilang naman ang NCR sa 38 lugar na nananatiling mababa ang mga kaso.
Noong nakaraang linggo, nasa average na 590 lang umano ang daily COVID-19 cases sa bansa, ayon sa DOH.— FRJ, GMA News