Hinoldap ng dalawang suspek ang isang tindahan sa Guadalupe Nuevo sa Makati nitong Linggo ng gabi, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes.
Makikita sa CCTV na tumigil sa harap ng tindahan ang isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek. Ilang sandali pa, lumapit ang isang suspek sa tindahan na parang bumibili.
Biglang humugot ng baril ang suspek at tinutukan ang tindero. Kinuha ng suspek ang cellphone ng tindero. Sinubukan ng suspek pero hindi niya nabuksan ang kaha.
Sinunggaban ng tindero ang suspek at nakipagbuno hanggang sa humiga na sila sa kalsada.
Hindi na nakunan sa CCTV ang pagtakas ng mga suspek tangay ang cellphone ng tindero.
“Huwag niyo akong gayahin, baka ma-aksidente pa,” payo ng tindero.
Ayon sa may-ari ng tindahan, matagal na raw na minamatyagan ng mga suspek ang tindahan dahil madalas daw silang bumili ng sigarilyo.
Nilagyan na ng rehas ang tindahan para hindi na maulit ang insidente.
Sa ngayon, nagsasagawa ng ng follow-up operation ang mga awtoridad kaugnay sa panghoholdap. —Joviland Rita/KG, GMA News