May tauhan na naman ng Bureau of Customs (BOC) ang binaril at napatay malapit lang sa kaniyang bahay sa Sta. Ana, Manila.
Sa ulat ni Olan Bola sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nasa loob ng kaniyang sasakyan ang 47-anyos na biktima, habang nakatigil malapit sa kaniyang bahay sa Pedro Gil, Sta. Ana, nang lapitan siya ng salarin at pagbabarilin.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima at hindi na umabot ng buhay sa ospital.
Nakasuot umano ng maskara at naka-jacket ang nakatakas na salarin.
Nagtatrabaho umano ang biktima bilang Information Technology (IT) operator sa BOC.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
Ito na ang ika-apat na tauhan ng BOC na tinambangan mula noong nakaraang Disyembre. Dalawa sa mga biktima ang nakaligtas bagaman nasugatan sa pamamaril.
READ: 1 na namang tauhan ng BOC, tinambangan
Nitong nakaraang Enero 14, pinagbabaril din sa Maynila ng salaring sakay ng motorsiklo ang ikatlong biktima na isang principal examiner ng BOC habang sakay ng kaniyang pick-up truck.
Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang biktima pero nakaligtas.
Nakaligtas din ang unang biktima ng pamamaril, habang pumanaw naman ang ikalawang biktima.
Napag-alaman na ang dalawang naunang kawani ng BOC na tinambangan ay iniimbestigahan kaugnay sa alegasyon ng katiwalian.
Nag-alok na ang BOC ng P300,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek. --FRJ, GMA News