Nakapagtala ng 6,835 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Lunes. Ito na ang ikapitong sunod na araw na hindi umabot sa 10,000 ang bilang ng hawahan.
Ayon sa Department of Health (DOH), 6,673 (98%) ng mga bagong kaso ay nangyari noong January 25 hanggang February 7, 2022.
Ang mga rehiyon na may pinakamataas na kaso ng hawahan sa nakalipas na dalawang linggo ay ang Metro Manila (949 o 14%), Western Visayas (822 o 12%) at Central Visayas (624 o 9%).
Bumaba naman sa 116,720 ang mga aktibong kaso, ayon sa DOH. Sa nasabing bilang, 7,806 ang asymptomatic cases; 103,900 ang mild; 3,184 ang moderate; 1,495 ang severe; at 335 ang critical.
Nasa 19.1% ang positivity rate sa bansa mula sa 36,773 na isinagawang test noong February 5, 2022. Mataas pa rin ito sa itinatakdang pamantayan ng World Health Organization na hindi hihigit sa 5 percent.
Ayon pa sa DOH, mayroong 16,330 na bagong gumaling, at 12 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.
Lahat umano ng laboratoryo ay operational noong February 5, 2022, pero mayroong dalawang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.—FRJ, GMA News