Umaabot na sa 30 ang bilang ng mga nawawalang sabungero. Ang isa sa mga nawawala, napag-alamang solong anak at siya lang ang inaasahan ng kaniyang mga magulang na PWD ang ama.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing tig-lima sa mga nawawala ay mula sa Laguna at Batangas, habang tig-10 naman ang nawawala sa Rizal at Bulacan.
Kabilang sa mga nawawala ang magkakapitbahay sa Tanay, Rizal na sina John Claude Inonog, magkapatid na Marlon at James Baccay, Mark Joseph Velasco, Ruel Gomez at si Rondel Cristorum.
Nagtungo ang anim noong Enero 13 sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila, at mula noon ay hindi na muling natagpuan.
Napag-alaman na si Inonog ang driver ng Tamaraw FX na sinakyan ng grupo at naghatid sa kanila sa sabungan.
Ayon sa kinakasama ni Inonog, nagtaka siya nang i-seen lang nito ang kaniyang mensahe at hindi sinagot ang kaniyang tawag na hindi nito ginagawa noon.
Bago nawala, nagawa pa ni Inonog na makatawag sa isang nagngangalang Mario, at sinabing isinasakay sila sa van. Pero inagaw kay Inonog ang cellphone, at mula noon ay hindi na sya nakontak.
Hinanakit ni Mario, kaagad silang nagtungo sa sabungan sa Maynila pero tikom daw ang bibig ng mga guwardiya doon tungkol sa nangyari.
Ang ina ng magkapatid na Baccay na handler ng grupo, sinabing mababait at walang kaaway ang kaniyang mga anak.
Hindi na raw siya makatulog at hindi makakain sa kakaisip sa mga anak.
Labis na sama rin ng loob ang nadarama ni Ronaldo sa pagkawala ng kaniyang anak na Rondel.
Aniya, tagabantay lang ng manok at tagabitbit ng gamit ng grupo ang kaniyang anak. Binibigyan daw ito ng P2,000 kapag natapos na ang sabong.
Tanging anak nila si Rondel at kanilang inaasahan na mag-asawa.
"Napakasakit. Parang sasabog ang puso ko sa sobrang hinagpis, sa sobrang hinanakit. Kaisa-isa kong anak ganito ang sinapit," hinagpis niya.
"Hindi naman po siya masamang tao, siya lang po ang bumubuhay sa amin. Wala po akong trabaho, PWD po ako. Maanaw na po kayo," pagsumamo ni Ronaldo.
Pakiusap naman ng inang si Rosalie, "Maawa po kayo sa amin, ibalik niyo na po siya. Ksi po siya lang ang nakakatulong sa amin lalo sa papa niya."
Maging ang sinasabing financier ng grupo na si Ferdinand Dizon, hindi na rin makontak ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Ano na nga ba ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa mga nawawalang sabungero? Panoorin ang buong ulat at ang pakiusap ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero kay Pangulong Rodrigo Duterte.
--FRJ, GMA News