Ibinasura ng City Prosecutor of Makati ang mga reklamong drug violation, obstruction of justice, perjury, at reckless imprudence resulting in homicide complaints, laban sa mga kasamahan ng pumanaw na si Christine Dacera.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ng piskalya na ibinasura nito ang mga reklamo batay sa naging desisyon noong Enero 31, kaugnay sa pagkamatay ni Dacera sa isang hotel sa Makati habang nasa New Year's party noong 2021.
“The Office of the City Prosecutor of Makati City, in its Resolution dated 31 January 2022, resolved to dismiss the consolidated complaints– which are the offshoot of the Christine Dacera case,” saad sa resolusyon.
Lumitaw umano sa pagsusuri ng piskalya na walang katibayan laban kay Mark Anthony Rosales na inakusahan tungkol sa ilegal drugs; at wala ring katibayan sa reckless imprudence resulting in homicide na inihain laban kina John Pascual Dela Serna, Jezreel Rapinan, Alain Chen, at Louis De Lima.
Ibinasura rin ang reklamong perjury laban kina Galido, Dela Serna, at Darwin Joseph D. Macalla.
Una rito, inakusahan ang mga inirereklamo na pinagamit umano party drugs at hinalay si Dacera, na nakitang walang malay sa banyo at kinalaunan ay idineklara na pumanaw.
Absuwelto rin sina Rosales, Galido, Dela Serna, Macalla, Rapinan, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Alain D. Chen, Reymar Englis, at Atty. Neptali G. Maroto, sa reklamong obstruction of justice dahil “they were simply protecting their rights within the bounds of the law,” ayon sa resolusyon.
Maging ang reklamo ng pagtatangka na magbigay umano ng ilegal na droga laban kina Rosales at Galido ay ibinasura rin dahil hindi naipakita ang nasabing droga at hindi isinumite ng prosekusyon bilang ebidensiya.
Ibinasura rin ang reklamong falsification laban Dr. Michael Nick W. Sarmiento, gayundin ang counter complaints na inihain ng ina ni Dacera na si Sharon, at mga kaibigan at kaanak, at maging sina investigators Police Corporal Louie Lopez at Police Staff Sergeant Jun Alimurong.— FRJ, GMA News