Inaresto ng Las Piñas pulis ang isang lalaki dahil umano sa pagtangkang halayin ang isang menor de edad.

Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa "24 Oras" nitong Linggo, ginagamit ng suspek ang social media para mambiktima umano ng mga menor de edad.

Hinuli ng mga pulis sa isang bahay ang suspek na walang damit pang itaas, kasama ang isang batang babae.

Isinagawa ng pulisya ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong na nag-aalok umano ang lalaki ng pera sa mga menor de edad kapalit ng pakikipagtalik.

"Bale natakot po siya, ang sabi raw po kasi sa kaniya bibigyan lang siya ng pera eh bigla siyang hinaltak, isinara 'yong pinto kaya natakot 'yong bata.

"Nakatawag naman siya sa tita niya," ani Las Piñas Police Women's Desk chief Lieutenant Jennifer Agustin.

Ayon sa imbestigasyon, bukod sa 13-anyos na biktima, marami pang naka-chat ang lalaki na inaalok nito ng pera, damit, at pagkain kapalit ng pakikipagtalik.

"'Yong laman po ng messenger niya, halos bata po 'yong ka-chat niya," ani Agustin.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, trafficking in person at attempted rape ang suspek. —Ma. Angelica Garcia/LBG, GMA News