Pinagbabaril ng salaring sakay ng motorsiklo ang isang principal examiner ng Bureau of Customs sa Maynila. Siya na ang ikatlong tauhan ng BOC na tinambangan mula noong Disyembre kung saan isa ang nasawi.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News"24 Oras" nitong Linggo, sinabing nangyari ang pinakahuling pananambang noong gabi ng Enero 14, sa Barangay 466 sa Sampaloc.
Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang biktima na sa kabutihang palad ay nakaligtas at patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Sa CCTV footage, makikita ang biktima na sakay ng pick-up truck nang tapatan siya at pagbabarilin ng salaring sakay ng motorsiklo sa isang stop light.
Nakatakas ang salarin, habang nagawa ng biktima na mapatakbo pa rin ang sasakyan.
"Fortunately, hindi siya napuruhan kaya nagawa niya pang maka-maneuver at makapunta sa kapatid niya somewhere sa Malate," ayon kay Manila Police District PIO Police Major Philipp Ines.
Ayon sa BOC, ito na ang ikatlong insidente ng pananambang sa kanilang mga tauhan.
Ang naunang dalawang kawani ng BOC ay iniimbestigahan kaugnay sa alegasyon ng katiwalian.
Nakaligtas din sa pamamaril ang unang biktima, pero nasawi naman ang ikalawang biktima.
"Basing you know that the targets have been identified and 'yong closeness ng incidents, of course, hindi naman maalis sa amin at sa mga tauhan namin na medyo mag-isip na baka may pattern," ayon kay BOC assistant commissioner Atty. Vincent Maronilla.
Paglilinaw ni Maronilla, hindi iniimbestigahan tungkol sa katiwalian ang pinakahuling tinambangan.
Nag-alok na ang BOC ng P300,000 pabuya sa makapagtuturo sa suspek.
Nagsasagawa na ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation sa insidente. --FRJ, GMA News