Inalis ng Commission on Elections sa official ballot para sa party-list elections sa darating na Eleksyon 2022 sa Mayo ang Malasakit Movement.
Sa notice na inilabas ng Office of the Clerk ng Commission (OCOC) nitong Martes, sinabing hindi isinama ang Malasakit sa final listing ng party-list candidates "in view of the resolution of its pending incident."
“In performance of this mandate, the OCOC hereby notifies that party-list registrant Malasakit Movement Inc. (Malasakit Movement) has been excluded in the final listing of party-list candidates to appear in the ballot in connection with the May 9, 2022 National and Local Elections in view of the resolution of its pending incident,” ayon sa notice.
First nominee sa Malasakit si dating Metropolitan Manila Development Authority spokesperson Celine Pialago.
Ang iba pang nominee ng grupo ay sina Mark Ryan Ponce, Eusebio Simbajon Avancena Jr., Natasha Supan Rodriguez, at Monroe Laurenze Dimaano.
Sa kanilang statement nitong Miyerkoles, sinabi ng Malasakit Movement na ipaglalaban nila ang kanilang pagsali sa Eleksyon 2022.
"May mga legal na paraan pa po para makalaban sa darating na 2022 elections. Hahayaan ko na po ang aming legal team sa bagay na yan," sabi nila.
"Kapag mabuti ang hangarin, kapag tama ang pinaglalaban, lalaban. Lalaban po kami dahil hindi po ugali ng team 96 ang sumuko," dagdag nila.
Ayon pa sa Malasakit Movement, tuloy lang ang kanilang mga gawain, katulad ng pamimigay ng relief goods sa mga nabiktima ng Bagyong Odette sa Cebu.
"Ang pakikipaglaban po ng Malasakit Movement Partylist ay hindi naman po laban ko, hindi rin po ito laban sa pulitika. Ito po ay laban para maipagpatuloy ang pagmamalasakit at pagmamahal sa ating kapwa Pilipino," dagdag nila.
Nilampasan ng Comelec ang number 96 ballot na unang inilaan sa Malasakit Movement sa ginawang raffle noon.
Una rito, kasama ang Malasakit Movement sa 13 party-list groups na may "pending incidents."
Mayroong 165 party-list groups ang pinayagan ng Comelec na makibahagi sa raffle noong December 10, 2021 kaugnay sa order of listing sa official ballot.
Isang party-list group ang puwedeng iboto ng mga botante sa darating na May 9, 2022 elections. —FRJ/KG, GMA News