Patay ang dalawang babaeng magkahiwalay na naglalakad sa Aurora Boulevard, Pasay City matapos ma-hit-and-run ng isang van nitong madaling araw ng Sabado, Araw ng Pasko.

Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B TV, galing sa may airport ang isang van at binabaybay ang Tramo papuntang EDSA nang mahagip ang tatlong dalagitang naglalakad.

Isa sa kanila ang namatay habang ang dalawa ay sugatan.

 

 

 

Ayon sa kapatid ng isa sa tatlong dalagitang naglalakad, bibili lang daw ng yelo ang mga ito nang tamaan sila ng van. Tumilapon daw sila sa may ilog at pagbangon niya ay naliligo na sa dugo ang isa nilang kasama.

Matapos tamaan ang mga babae ay tumuloy pa rin ang van at nabangga naman ang isang motorsiklo. 

Tumilapon ang sakay nito at malubha raw ang lagay.

Hindi pa rin tumigil ang van at sunod namang nabangga ang isang babaeng naglalakad.

Patay ang babaeng ito na nakilala sa pangalang Imelda.

Ayon sa barangay kagawad na nakapanayam ng Super Radyo dzBB, nakaladkad ng van mula sa may overpass nang pito hanggang 10 metro ang biktima.

Hindi raw naplakahan ang gray na van dahil hindi makita sa CCTV. —KG, GMA News