Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na lilikom ng P10 bilyon para sa mga biktima ng bagyong "Odette."
Ginawa ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles ang pahayag, isang araw matapos bumisita si Duterte sa mga nabiktima ng bagyo sa Kabankalan City, Negros Occidental.
"The President was given a situation briefing by Negros Occidental Governor Eugenio Jose 'Bong' Lacson, after which the President provided guidance and issued several directives to national agencies to address the immediate concerns of the local governments of Negros Occidental and Negros Oriental," ayon kay Nograles.
"President Duterte also vowed to raise additional funds, estimated at P10 billion, for the rehabilitation and recovery efforts in the typhoon-affected areas. Our thoughts and prayers are with all the families affected by this natural calamity," dagdag ng opisyal.
Una nang sinabi ni Duterte na hirap ang pamahalaan sa pera dahil sa mga nagastos sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Nograles, patuloy ang Department of Social Welfare and Development sa pagkakaloob ng family food packs, inuming tubig, at shelter assistance sa mga pamilyang nawalan ng tahanan.
Samantala, tutulong naman ang Department of Human Settlements and Urban Development at National Housing Authority sa mga nasalanta na napinsala at nasira ang bahay.
Aalamin naman umano ng Department of Trade and Industry ang mga ulat ng price hikes, tulad ng mga generator na dumoble umano ang presyo matapos ang kalamidad.
Magbibigay naman daw ng tulong ang Department of Agriculture sa mga magsasaka at mangingisda na nawalan ng kabuhayan.
Ang Department of Public Works and Highways naman ang pagsasa-ayos ng mga kalsada na hindi madaanan dahil sa mga nagbagsakang puno.
Ayon pa kay Nograles, tututukan ng Department of Energy at Department of Information and Communications Technology, upang maibalik ang suplay ng kuryente at komunikasyon sa mga apektadong lugar.
"In addition to these directives, the Chief Executive gave instructions to immediately complete the construction of the Kabankalan airstrip," sabi pa ni Nograles.— FRJ, GMA News