Sinabi ni Butch Belgica na mayroon mga kaalyado ng administrasyon ang nagsasabwatan laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng Eleksyon 2022.
Walang pangalan na binanggit si Belgica ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), pero sinabi niyang kinalimutan ng mga kaalyadong ito "kung sino ang tumulong sa kanila."
"Kinalimutan na nila sino ang tumulong sa kanila. They undermined him [Duterte], hindi siya kinonsulta. Sana kinausap man lang ang Pangulo," pahayag ni Belgica sa press conference nitong Biyernes.
Kabilang sa pinatutungkulan ni Belgica ay isang tinulungan umano ni Duterte tungkol sa pagpapalibing sa ama. Habang ang isa naman ay nakalabas sa piitan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
"They are conspiring [against] their very benefactor. Hindi naman natin sila kalaban," ayon kay Belgica.
Ginawa ni Belgica ang pahayag matapos magsanib-puwersa para sa Eleksyon 2022 ang Lakas-CMD, Hugpong ng Pagbabago, Partido Federal ng Pilipinas (PFP), at Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).
"The greed for power played. They are not able to overcome it," ani Belgica. "That's human nature, they forget everything for their own aggrandizement."
Si dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang standard bearer ng PFP sa darating na halalan.
Nang maupong pangulo si Duterte noong 2016, pinayagan niyang malibing sa Libingan ng mga Bayani ang ama ni Marcos na si dating Pangulong Marcos Sr.
Samantala, lider naman ng PMP si dating senador Jinggoy Estrada, na nadetine dahil sa kasong pandarambong kaugnay ng paggamit ng kaniyang pork barrel funds noong senador pa siya.
Itinanggi noon ni Estrada ang mga paratang laban sa kaniya, at nakalaya noong September 2017 matapos payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa.
Samantala, ang anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte, running-mate ni Marcos, ang umuupong chairperson ng Lakas-CMD.
Sa kabila ng alyansa ng apat na partido, sinabi ni Belgica na; "Wala ho 'yan, 'pag binilang niyo, 300,000 lang 'yan. Maiingay lang."
Si senador Bong Go, na kilalang malapit kay Pres. Duterte, ang pambato ng PDDS sa pagka-pangulo sa May 2022 elections.
Nitong Sabado, naglabas ng statement ang Lakas-CMD at sinabing buong-buo ang suporta nila para sa Pangulo at kanyang administrasyon.
"The Lakas-CMD and its partners in the UniTeam Alliance have made it clear: we are in full support of President Duterte and his administration," saad ng partido.
"Mr. Butch Belgica of PDDS equates years of public service by former Presidents as greed for power. He might be speaking based on his own experience. Baka iyon lang po kasi ang nagtutulak kay Mr. Belgica para pumasok sa gobyerno. Greed," dagdag ng Lakas-CMD.
"Mr. Belgica should stop sowing intrigues that divide forces loyal to the President. Itigil na po niya ang maruming pulitika," ani Lakas-CMD.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ng mga kinatawan ng iba pang mga partido. —FRJ/KG, GMA News