Mahigit P54.5 milyong halaga ng umano'y shabu na isinilid sa mga tea bag -- na binansagang "tsaabu" -- nasabat ng mga awtoridad sa Maharlika, Taguig City ayon sa ulat ni Miko Waje sa Unang Balita nitong Biyernes.
Arestado naman ang dalawang suspek na sina Alyas Jun at Riza. Nakumpiska ang limang pakete ng umano’y shabu at walong pakete naman ng "tsaabu."
Ayon sa Pulisya, posibleng kasamahan din ng mga ito ang nahuling drug suspects sa Zambales dahil pareho umano ang kanilang packaging.
Samantala, giit ni Alyas Riza ay bigay lamang ito ng kanyang dating kaibigan.
Hindi raw nila alam na droga ang laman ng package. Depensa naman ni Alyas Jun ay napag-utusan lang siya na i-deliver ang package.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung sino ang mas malaking source ng droga. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News