Nangangamba ang ilang residente sa isang barangay sa Mandaluyong matapos gumuho ang malaking bahagi ng isang kalsada habang may isinasagawang pipelaying project ang Manila Water.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Coronado Street sa Barangay Hulo.

Malapit ang naturang kalsada sa Pasig River, habang mga kabahayan naman ang nakabilang bahagi nito.

Mistulang nagkaroon ng sinkhole sa lugar matapos umanong makapasok sa hinuhukay na bahagi ng kalsada ang tubig mula sa ilog, dahilan para lumambot ang lupa.

"Medyo natakot kami kasi siyempre, tabing bahay kami dito," ayon sa isang residente.

"Baka sa susunod na panahon, puro crack na ang bahay namin. Kaunting lindol lang, either maraming crack o kaya gumuho ang bahay namin. Ayusin lang po sana 'yong paglagay ng panambak para solido," sabi naman ng isa pang residente.

Ayon kay Barangay Hulo chairman Bernadino Maglague, ipinaliwanag ng contractor ng proyekto na ginawan na umano ng paraan upang mapigilan ang pagpasok pa ng tubig.

Tinambakan na rin ang mga apektadong bahagi ng kalsada at nangako umano ang contractor na tatapusin ang pagkumpuni sa loob ng tatlong araw.

--FRJ, GMA News