Inaresto at sinibak sa trabaho ang isang motorcycle taxi rider matapos niyang hipuan at yayain sa motel ang babae niyang pasahero sa Valenzuela City. Ang insidente, nakunan ng video ng biktima.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Dennis Bendecio, na makikita sa video na ilang beses inaya na mag-hotel sila ng 24-anyos na biktima na itinago sa pangalang "Grasya."
"Saglit lang one hour lang... Hanap tayong hotel," pag-aya ng rider kay Grasya habang nagmamaneho.
Tinatapik din ni Bendecio ang hita ng biktima.
"Hindi na kuya, drop niyo na lang ako. Malapit na rin naman po," tugon ni Grasya sa rider.
Makailang ulit na nangungulit pa ang rider sa pag-aaya na mag-hotel sila.
Kalmado pa si Grasya noong una, pero umalma rin siya kalaunan.
"Masyado na pong offensive 'yan. Masyadong malapit na po sa ano ko 'yung hawak mo, kuya," anang biktima.
Tila nahimasmasan lamang ang rider nang malapit nang bumaba ang babaeng pasahero, at panay ang paghingi ng tawad ng suspek.
"Baka i-report mo ako ma'am, sorry po ah," sabi ni Bendecio.
"Pero grabe po kasi 'yung hawak niyo,' sabi ni Grasya sa rider.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Grasya na nakaramdam siya ng takot na baka dalhin siya sa madilim na lugar ng rider.
"Parang iba na 'yung gagawin niya, so natatakot na po ako. 'Yung kamay ko nanginginig-nginig na. Nu'ng namimilit na po siya at that time, nasa isip ko po na baka idaan ako sa madilim. Nakaka-trauma," sabi ni Grasya.
"Baka mas mapahamak ako or baka mahagip ako or mapilayan. Pumasok po ako sa bahay tapos doon ako nag-iiyak. Mga one hour na po nahimasmasan na po ako. That's the time na pumunta kami sa police station ng Valenzuela," dagdag ni Grasya, na ginusto ring tumalon mula sa sinasakyang motorsiklo.
Nakausap ng GMA News si Bendecio, pero tumanggi itong magbigay ng pahayag.
Kinondena ng JoyRide ang ginawa ni Bendecio, na kanila nang pinatalsik sa trabaho bilang rider.
"We have banned our Kasundo biker Dennis Bendecio. We do not condone, we do not tolerate and we certainly do not accept this kind of illicit activities," pahayag ni JoyRide SVP Noli Eala.
Sinampahan na rin ng reklamo ng biktima si Bendecio sa piskalya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News