Inihayag ng kampo ni dating senator at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mataas ang respeto ng kanilang pambato sa panguluhang halalan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“We don’t feel alluded to,” sabi sa panayam sa radyo nitong Biyernes ni Atty. Vic Rodriguez, tapagsalita ni Marcos, tungkol sa alegasyon ni Duterte na may isang kandidatong anak ng mayaman na gumagamit ng cocaine.
Ayon pa sa pangulo sa kaniyang talumpati sa Mindoro nitong Huwebes, walang nagawa ang naturang kandidato na hindi niya pinangalanan, atkinakasangkapan lang umano ang pangalan ng ama.
Sinabi ni Rodriguez, na mataas ang respeto ni Marcos kay Duterte.
“We only have the highest respect, paggalang at pagkilala sa presidente,” saad ng tagapagsalita.
Si Marcos ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, at magiging running-mate ni Davao City Mayor Sara Duterte, na anak ni Pres. Duterte.
Tinawag din ng nakatatandang Duterte ang pinapasaringan niyang presidential aspirant na "weak leader."
“He is a very weak leader ang character niyan… except for the name. Ang tatay. Pero siya? Anong ginawa niya? He might win hands down, okay. If that's what the Filipino wants, go ahead. Basta alam ninyo," paalala ng pangulo.
Suportado ni Duterte sa panguluhang halalan ang kaniyang longtime aide na si presidential aspirant Sen. Christopher Lawrence "Bong" Go.
Ang iba pang aspiranteng tatakbo sa pagkapangulo ay sina Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., labor leader Leody De Guzman, at Army General Antonio Parlade Jr.--FRJ, GMA News