Hindi itinanggi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na "big deal" sa kaniyang pamilya na makalaban niya sa vice presidential race ng kaniyang "pamangkin" na si Senador Francis "Kiko" Pangilinan.
Asawa ni Sotto na si Helen Gamboa, habang si Sharon Cuneta naman ang asawa ni Pangilinan.
Ang ina ni Cuneta ay kapatid ni Gambao, kaya "nephew-in-law" ni Sotto si Pangilinan.
Sa panayam ng ANC nitong Martes, sinabi ni Sotto na hindi siya kinonsulta ng mag-asawa tungkol sa pagtakbo ni Pangilinan bilang VP sa May 2022 elections.
Hindi rin daw nila napag-uusapan ni Pangilinan ang naturang usapin kahit pa magkasama sila sa Senado.
Bagaman ipinagwawalang-bahala na lang ni Sotto ang nangyari sa kanila ng kaniyang pamangkin, mayroon daw ibang saloobin ang kaniyang misis at mga anak.
“That question [is] better asked [to] my wife and my children. They have a different perspective. As far as I’m concerned, I brush it off, to them it is a big deal,” pahayag ng lider ng Senado.
Nang hingan ng komento, sinabi ni Pangilinan na masakit din sa kaniyang asawang si Sharon at sa pamilya nito ang nangyari.
"All families have their share of conflicts between family members as well as misunderstandings and ours is no exception. It is painful for Sharon and our family too," pahayag ng senador sa GMA News Online.
"We pray that in the end there will be reconciliation and forgiveness for the hurt that has been caused by the conflict," sabi ni Pangilinan.
Umaasa naman si Sotto na susuportahan ng kaniyang pamangkin na si Pasig City Mayor Vico Sotto ang kaniyang pagtakbo bilang vice president.
Si Vico ay anak ng kapatid ni Tito, na si Vic Sotto.
Nagpahayag noon si Vico na dumidistansiya sa usapin ng national elections.
“Of course, we would wish to have all mayors, especially popular mayors and governors, to support you as a candidate,” ani Tito. --FRJ, GMA News