Nabisto ang ibinebentang pekeng COVID -19 vaccination card sa Caloocan City sa halagang P2,500 sa mga taong hindi naman bakunado.
Ang naturang katiwalian ay idinulog sa “Sumbungan ng Bayan” sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ng isang lalaki na itinago sa pangalang "Delfin,"
Ayon kay “Delfin,” nakatakda sana siyang magpabakuna kasama ang dalawang kaanak noong Agosto. Pero hindi raw natuloy ang dalawa niyang kaanak.
“Hinikayat po nila ko ‘wag magpabakuna, pero tumuloy po ako sa pagbabakuna. Nagulat na lang po ako na meron na silang card,” sabi ni Delfin.
Nakuha raw ng mga pekeng vaccination card ang kaniyang kaanak sa sinasabing kakilala na nagpakilalang "doktor" sa halagang P2,500 kada card.
Kung ikukumpara sa tunay na vaccination card ng Caloocan, halos walang pagkakaiba hitsura ng peke.
Lumitaw din na tunay na pinagdausan ng vaccination program ang nakalagay sa pekeng vaccine card at maging ang pangalan ng nurse.
“Nakita po namin na yung isang staff namin na nakalagay na pangalan, nurse po kasi yung isa na-forged po yung kaniyang pirma,” sabi ng Caloocan City Health Officer na si Dr. Evelyn Cuevas.
“Hindi siya naka-assign noong araw na ‘yun doon,” dagdag pa ng opisyal.
Napag-alaman din na sobra ang numero na nakalagay na cellphone number sa pekeng card kaya hindi ito matatawagan.
Hinala ng mga awtoridad na maaaring kumopya lamang ng detalye mula sa lehitimong Caloocan vaccine card ang taong nasa likod ng pekeng vax card.
“May mga target printing establishment kaming minomonitor ngayon, subject for entrapment na possible may reproduction tong vaccine card na masasabi nating counterfeit or peke,” sinabi ng Caloocan City Chief of Police Pcol. Samuel Mina Jr.
Patuloy na iniimbestigahan ng Caloocan City at ng Department of Health sa nangyaring insidente. --Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA News