Maliban sa mga ospital at klinika, hindi na sapilitan ang paggamit ng face shield sa Muntinlupa City.
“All persons found in the city of Muntinlupa shall no longer be required to wear a face shield outside of residence and in any public or private establishments, except in hospitals and clinics,” ayon sa inilabas na ordinansa ng lokal na pamahalaan nitong Biyernes.
Iniutos ito sa bisa ng Ordinance No. 2021-290, kasunod na rin ng mataas na bilang ng mga naturukan ng COVID-19 vaccine at bumababang kaso ng coronavirus sa lungsod.
“[T]he Sangguniang Panlungsod deems it necessary to allow the non-use of face shields in public and private establishments with certain exemptions,” nakasaad sa ordinansang pinirmahan ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi.
Una nang nagpalabas ng katulad na kautusan ang Manila City government na hindi na kailangang mag-face shield ang mga tao sa lungsod maliban na lang sa ospital, medical clinic sat iba pang medical facilities.
Una rito, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos, na payag ang ilang alkalde sa Metro Manila na gawing optional ang paggamit ng face shields.
Pero nagpaalala si presidential spokesperson Harry Roque na nananatili ang direktiba ng pamahalaang nasyunal na dapat magsuot pa rin ng face shield sa mga matatao at enclosed spaces.— FRJ, GMA News