Tatlong bangkay, kabilang ang isang nakaupong lokal na opisyal, ang nakitang patay sa inuupahang establisimyento ng dating whistleblower na si Peter Joemel "Bikoy" Advincula sa Daraga, Albay.
Ayon sa pulisya, isa sa mga biktima ay si Helen Advincula Garay, 53-anyos, kasalukuyang municipal councilor sa Donsol, Sorsogon.
Ang dalawa pang biktima ay sina Karren Averilla, 44, at Xavier Alim Mirasol, 61, kapuwa tatakbong konsehal sa Donsol sa darating na halalan.
Personal na nagtungo umano sa Daraga Municipal Police Station sina Advincula at ang kaniyang partner, para i-report ang mga nakitang biktima sa inuupahan niyang establisimyento.
Nakumpirma naman ang ini-report ni Advincula nang magpunta sa lugar ang mga pulis.
Pero naging suspek si Advincula sa pangyayari nang magpunta sa himpilan ng pulisya ang isang Lalaine Herrera, para magsumbong na tinangka raw siyang dukutin ng dating whistleblower.
Ayon kay Herrera, sinundo siya ni Advincula noong Huwebes para dalhin sa isang pagpupulong.
Pero naghinala raw siya nang mag-isa lang siya sa sasakyan -- na asul na Toyota Vios na plate number ABQ 6285 -- kaya tumakas siya at nagpunta sa pulisya.
Nag-"flash alarm" na ang mga pulisya tungkol sa naturang sasakyan, habang nasa kostudiya ng mga awtoridad sa Daraga si Advincula.
"Patuloy ang pag-usad na ating imbestigasyon kaugnay ng krimeng ito. Nagpalabas na rin ako ng direktiba sa Chief of Police ng Daraga MPS na tutukan ang isyung ito at tingnan ang bawat angulo upang agad na maresolba ang insidente," pangako ni Bicol police chief Police General Jonnel Estomo.
Unang gumawa ng ingay sa media si Advincula nang magpakilala siya na siya si "Bikoy," ang misteryosong tao sa likod ng viral video na nag-ugnay sa pamilya Duterte sa umano'y kalakaran ng ilegal na droga sa bansa.
Binawi ni Advincula kinalaunan ang mga alegasyon at itinuro ang oposisyong Liberal Party (LP) na nag-utos umano sa kaniya--bagay na itinanggi naman ng mga lider ng partido.
Pansamantala siyang nakalalaya matapos na magpiyansa sa kasong perjury dahil sa mga maling pahayag niya na ilang abogado umano na may kaugnayan sa oposisyon ang sangkot sa ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.—FRJ, GMA New