Naibalik sa may-ari ang isang chow chow na nalagay sa peligro matapos itong magpagala-gala sa EDSA Martes ng hapon. Ang aso, nasagip sa tulong ng fire volunteers sa lugar.
Sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Huwebes, inilahad ng motorista at dog mom ding si Marnie Aguilar na labis niyang ikinabahala nang makita ang kalagayan ng aso.
"He was so scared, he was cowering na eh kasi dumadami na 'yung bus and then the buses are so mabilis, so parang, oh my God, 'pag nagulat 'to, 'pag may bumusina, masasagasaan 'to," sabi ni Aguilar.
Dahil dito, humingi si Aguilar ng tulong sa fire volunteers na nasa lugar noong mga sandaling iyon.
Nag-post si Aguilar sa social media ng mga larawan ng asong si Hammy hanggang sa mag-viral ito.
Ayon kay George Rendon Jr. ng Zack Fire and Rescue Volunteer at nagrescue sa Chow Chow, nakatanggap siya ng 100 na tawag, pero humingi sila ng sertipiko ng aso o video na nagpapatunay na sila ang kasama talaga ng aso.
Gayunman, wala maibigay ang mga tumatawag kaya nag-block siya ng mga numero.
Hanggang sa makatanggap si Rendon ng tawag mula kay Juliet Aves, na nagpakilalang nagmamay-ari kay Hammy.
Nagpakita si Aves ng videos at larawan ni Hammy, kaya dinala ng fire volunteers ang aso sa address ng ginang bandang 11 p.m.
"Papunta pa lang po kami roon, 'yung aso talagang kahol na nang kahol eh. Kasbisado niya na po 'yung area, kahit nasa ibabaw pa lang talaga siya ng truck, 'yung willingness niya na bumaba para lapitan 'yung amo niya," sabi ni Rendon.
Labis ang galak ni Aves nang muling makita si Hammy na itinuring niya na ring anak.
Dalawang buwang gulang pa lamang si Hammy nang ibigay ito sa kaniya. Mahigit siyam na taong gulang na ngayon ang aso.
Bahagi na nakagawian ni Hammy ang maglakad sa kanilang lugar ng hanggang isang oras.
Hinala ng may-ari, sumunod si Hammy sa mga bata na umalis para magpabakuna.
"Iiyak ka pala talaga. Talagang doon mo mararamdaman na mahal mo na 'yung aso mo," sabi ni Aves. "Ang hinala ko baka nasagasaan kasi medyo malabo na 'yung mata niya."
Nagbigay ng donasyon si Aves sa fire volunteers at nangakong sasagutin ang kanilang uniform. -Jamil Santos/NB, GMA News