Natagpuang magkayakap ang mga labi ng pitong-taong-gulang at isang-taong-gulang na bata na nasawi matapos masunog ang 15 kabahayan sa Caloocan City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naganap ang sunog sa Ilang Ilang Street, Brgy. 185, North Caloocan, kung saan naapektuhan at nawalan ng tahanan ang nasa 50 pamilya.
Hindi na makilala ang mga menor de edad na biktima matapos lamunin ng apoy ang kanilang mga katawan.
"Ang sabi nakalabas na kaya lang naiwan 'yung isang apo kong maliit, binalikan pa raw dito, ang sabi ng mga tao," sabi ni Mario Corado, lolo ng mga biktima.
Sumiklab ang sunog pasado ala-una ng madaling araw sa naturang lugar.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mabilis na kumalat ang apoy dahil luma na ang mga bahay, dikit-dikit at gawa pa sa light materials.
Ayon kay Fire Officer 2 Peter Blair Bacor, fire arson investigator ng BFP Caloocan, makitid ang daanan kaya nahirapang makapasok ang mga bumbero.
Tuluyan namang naapula ang apoy matapos ang mahigit dalawang oras.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.
Ilan sa mga pamilya ang pansamantalang nanatili sa kalapit na covered court.—Jamil Santos/LDF, GMA News