Iniatras ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kaniyang kandidatura para sana sa muling pagtakbo bilang alkalde ng lungsod sa 2022 elections.
Sa Facebook post, sinabi ni Duterte na ang kapatid niyang si incumbent Vice Mayor Sebastian "Baste" Duterte, ang tatakbong alkalde sa darating na halalan.
Una rito, binawi rin ni Baste ang kaniyang kandidatura para sa muli sanang pagtakbo bilang bise alkalde ng Davao City.
Sa kaniyang pag-atras, si Atty. Melchor Quitain ang tatakbong kapalit niya bilang vice mayor.
"Ngayong hapon wini-withdraw ko ang aking kandidatura sa pagka-Mayor ng Davao City. Si VM Baste ang papalit sa akin. Si Atty. Melchor Quitain ang nominado namin sa pagka-Bise Alkalde. Ito lamang po muna. Maraming salamat po," ayon kay Sara, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago nito, may mga grupo at personalidad ang naghihikayat kay Sara na tumakbong pangulo sa 2022 elections.
Pero ilang beses niyang sinabi na hindi siya kakandidatong pangulo. Hiniling din niya sa kaniyang mga tagasuporta na huwag magsagawa ng mga caravan.
Sa ilalim ng elections rules, maaari pang pumalit ang mga politiko o mag-substitute sa isang kandidato para sa kaparehong partido hanggang sa Nobyembre 15, 2021.—FRJ, GMA News