Na-trap ang tatlong manggagawa habang naglilinis ng salamin ng isang hotel sa Pasig City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.
Nasa ika-11 palapag ng gusali ang mga manggagawa nang ma-trap sa gondola.
Ayon sa isang baranggay official, posibleng nag-malfunction ang makina ng nasabing gondola.
Gumamit ng crane ang mga rescuer para masagip isa-isa ang mga manggagawa. Dahan-dahan silang ibinaba kaya umabot ng halos tatlong oras ang rescue operation.
Walang nasaktan sa mga manggagawa at mabuti na lamang ay naka-harnest ang mga ito.
Nagdulot naman ng mabagal na takbo ng trapiko ang insidente.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng hotel sa ngayon. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News