Hindi na isusulong nina presidential aspirant Senator Panfilo Lacson at kaniyang running mate na si Senate President Vicente Sotto III, ang pagbuhay sa death penalty sa bansa.

Sa virtual presscon, sinabi ni Lacson na nagbago ang posisyon niya sa dealth penalty matapos mapanood ang drama movie na "The Life of David Gale."

Ang pelikula ay tungkol sa isang lalaki na inakusahan ng rape at sinentensiyahan ng kamatayan. Pero sa huli ay lumitaw na wala siyang kasalanan.

Ayon kay Lacson, napagtanto niya na mas mahalagang sagipin ang buhay ng isang tao kaysa bitayin ang isang nagkasala.

"Namulat 'yung aking kaisipan na mas importante na ma-save 'yung buhay ng isang inosente na na-convict kaysa doon sa mag-execute tayo ng talagang convicted at talagang napatunayang nagkasala," paliwanag ng senador.

"Noong tinimbang ko 'yun, sa tingin ko mas matimbang ma-save 'yung buhay ng wrongly-convicted. So nagbago ang aking pananaw, kaya wi-withdraw ko ang aking finile na bill kung nandiyan pa 'yan," dagdag niya.

Taong 2019 nang ihain ni Lacson ang Senate Bill 27 na ibalik ang parusang kamatayan dahil sa dumadaming kaso ng karumal-dumal na krimen.

Sinabi naman ni Sotto na may katwiran ang posisyon ang mga tumututol na ibalik ang parusang kamatayan.

"Maganda rin 'yung position nila eh, 'yung mga kumokontra. Pag-iisipin mong mabuti, tama sila eh, except for high-level drug trafficking, tama sila in most of the reasonings that they were using," ayon kay Sotto.

Isa sa mga iminumungkahi ni Sotto ay ilagay sa ibang pasilidad ng kulungan ang mga high-level drug trafficker at iba pang sangkot sa karumal-dumal na krimen.

"Ang national penitentiary alisin mo sa Muntinlupa, gawin mong regional, umpisahan sa Luzon, Visayas, Mindanao... Bakit? Based on studies and research, sinasabi na ang isang convict, ang isang PDL, pag pinasok na sa kulungan at di na dinadalaw ng pamilya, diyan na nag-uumpisang magloko and kung anu-anong kalokohan ang pinapasukan pero pag dinadalaw ng pamilya eh maayos siya," paliwanag niya.

"In other words, kung mayroon lang ding ibang solusyon, na-convert kami," saad niya.—FRJ, GMA News