Tatanggap na muli ng mga bisita ang Manila Ocean Park na nakatayo malapit sa Quirino Grandstand sa Rizal Park.
Nitong Huwebes, nagsagawa ng reopening ceremony sa naturang pasyalan na pinangunahan ni Manila Vice Mayor Dr. Honey Lacuna.
Sa muling pagbubukas ng Manila Ocean Park, mahigpit na ipatutupad ang safety guidelines kaugnay na rin sa pag-iingat sa COVID-19.
Bukod sa dapat magsuot ng face mask ang mga bisita, ipatutupad din ang social distancing at paghuhugas o pag-sanitize ng kamay palagi.
Kukunan ng temperature bago pumasok at magsusulat sa contact tracing form.
Tanging fully vaccinated lamang na nasa edad 18 hanggang 65 ang papayagan makapasok sa ngayon.
Sa mga nais bumisita sa theme park, maaaring magpa-book sa kanilang website.
Bukas ang Manila Ocean Park tuwing Huwebes hanggang Linggo, mula 10 a.m. hanggang 6 p.m. – FRJ, GMA News