Nawalan ng libu-libong halaga ng produkto at pera ang isang online seller matapos mabiktima ng scammer na gumamit ng pekeng proof of payment.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng negosyanteng si Jessa Macaraig, na nagdeliver siya ng produktong Samgyupsal products sa magkahiwalay na tao noong nakaraang linggo.
Pero huli na nang malaman niya na pekeng proof of payment pala ang ipinapadala sa kaniya.
“Kunwari po P10,000 tapos sabi niya ah pa-cancel na lang ng parang worth P2,000, so ibabalik ko yung P2,000. Tapos yung worth ng products na ibibigay ko sa kanya is P8,000 so kumita pa siya sa akin,” ayon kay Macaraig.
Inakala raw ng biktima na nakapagbayad na ang scammer dahil pinapadalhan siya ng screenshot ng proof of payment na kunwaring idineposito sa kaniyang bank account.
Pero hindi niya kaagad nasusuri kung tunay ang deposito dahil hindi siya pamilyar sa online banking system.
Dahil ang scammer din ang nag-booked ng delivery rider, hindi na rin matukoy ni Macaraig ang address ng manloloko na naka-blocked na sa kaniyang contact number.
Paalala naman ni Department of Trade (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, dapat suriin pa ring mabuti ng mga online seller at maging ng mga buyer ang online payments.
“We encourage also online banking kasi real time for the online sellers machecheck na agad nila kung may nadeposit talaga sa kanila or na-transfer sa kanila yung bayad ng buyer,” sabi ni Castelo.
Nakahanda naman daw ang DTI na tulungan si Macaraig. --FRJ, GMA News