Ipinaliwanag ni Vice President Leni Robredo kung bakit kalimbahin, o pink, at hindi dilaw ang napili niyang campaign color sa pagsabak niya sa panguluhang halalan sa Eleksyon 2022.
"Yellow is a color of protesting dictatorship. Iba na ang laban ngayon. Mas malaki ang laban. Laban ito sa pagbabalik ng anak ng diktador at masamang pamamahala na sanhi ng problema na pinagdaraan natin," paliwanag ni Robredo sa press briefing nitong Biyernes.
Sasabak din sa pagka-pangulo sa May 2022 elections si dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., anak ng napatalsik na diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Noong 2016 elections, tinalo ni Robredo sa vice presidential race ang nakababatang Marcos.
Dilaw ang kulay na ginamit na simbulo ng Liberal Party (LP), at campaign color nina dating pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at ina niyang si Corazon Aquino.
Si Cory ang pumalit na pangulo nang matanggal sa kapangyarihan ang nakatatandang Marcos sa pamamagitan ng 1986 People Power Revolution.
Si Robredo ang namumuno ngayon sa LP.
"Pink is also the color of protest and activism globally at the moment, and this has been chosen by the volunteers because they thought this will symbolize our aspirations to replace this existing leadership," paliwanag pa ni Robredo.
Sinabi rin ng pangalawang pangulo na nais niyang palawakin pa ang pakikipag-alyansa sa ibang grupo.
Nabansagang "dilawan" ang mga kontra o kritiko ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"I ran as an independent because it is our symbolic way of saying that bukas kami sa pakikipagalyansa sa maraming partido," saad niya. "This is about inclusivity. Hindi naman ako kumandidato pagkapangulo para sa partido, kundi para pag-isahin ang lakas ng sambayanan."
Ipinaliwanag din ni Robredo kung bakit si Senador Francis "Kiko" Pangilinan, ang napili niyang maging runningmate o kandidatong bise presidente.
Aniya, malawak na ang karanasan ni Pangilinan bilang mambabatas, aktibista at dating presidential adviser for food security.
"He is the choice that makes the most sense. I have no doubt that with him as vice president, he will take the Office of the Vice President a notch higher," pahayag ni Robredo.--FRJ, GMA News