Humabol sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) nitong Biyernes sina Senador Bato Dela Rosa at dating presidential spokesperson na si Ernesto Abella para tumakbong presidente sa Eleksiyon 2022.
Ayon kay PDP-Laban secretary general Melvin Matibag, si Dela Rosa ang magiging standard bearer ng paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Magiging running-mate o kandidatong bise presidente ni Dela Rosa si Senador Christopher "Bong" Go.
Personal na inihain ni Dela Rosa ang kaniyang COC sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Samantala, tatakbo naman bilang independent candidate sa pagka-pangulo si Abella, dating spokesman ni Pangulong Rodrigo Duterte at naging undersecretary ng Department of Foreign Affairs.
Ayon kay Abella, ipinaalam niya kay Duterte sa pamamagitan ni Sen. Go ang kanilang gagawing pagtakbo sa halalan.
“Sa matagal ng panahon ang nagpapagalaw ng bayan ay ang samahan ng gobyerno at ang malaking negosyo. Hindi po talaga kasali sa usapan ang ordinaryong mamamayan,” anang dating opisyal.
“Hind lang sa liderato nanggagaling ang pagpasya. Kailangan pong lawakan ang pagdedesisyon upang mas marami ang pakinabang,” patuloy niya.— FRJ, GMA News