Inihain na ng magkatambal na sina Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Willie Ong ang kanilang certificate of candidacy para tumakbong Presidente at Vice President para sa Eleksyon 2022.
Nitong Lunes ng umaga, nagtungo ang dalawa sa Commission on Elections sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila.
Tatakbo sina Moreno at Ong sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party.
“Mga kababayan, tanggapin po ninyo ang aplikasyon ko. Buong kababaang-loob, ako po tumatakbong pangulo ng bansa at aplikante ninyo,” ayon sa alkalde.
Aminado si Moreno na kinabahan siya sa pagtakbo niya bilang pangulo.
“Sa dami kong sinalihan na halalan, ngayon ako medyo kabadong-kabado,” ayon kay Moreno na dating aktor.
Dalawa na sa mga magiging kandidato ni Moreno sa pagkasenador ang naghain na ng COC na sina Samira Gutoc at Carl Balita.
Ayon naman kay Ong, nakatuon ang atensiyon nila ni Moreno sa paghilom ng bansa.
"Ang pinaka-focus namin nga ay maghilom yung bansa. Hindi tayo mag-fo-focus sa mga away politika,” saad niya.
Bukod kay Moreno, ang iba pang naghain ng COC sa pagka-presidente ngayong Lunes ay sina:
- Sonny Boy Andrade
- Juanita Trocenio
- Alfredo Respuesto
- Gabriela Larot
- Faisal Mangondato
- Leo Cadion
- Delia Aniñon
- Renato Jose Valera
Samantalang naghain din ng COC sa pagka-bise presidente ngayong Lunes sina:
- Carlos Serapio
- Princess Sunshine Amirah Magdangal
— FRJ, GMA News