Sinabi ng Employees' Compensation Commission (ECC) na puwedeng makatanggap ng P10,000 ang mga empleyadong nagkaroon ng COVID-19 dahil sa pagganap sa kanilang trabaho.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni ECC senior information officer Alvin Garcia, na ang naturang pinansiyal na tulong ay hiwalay sa benepisyo mula sa Social Security System at Government Service Insurance System.
“They can receive cash assistance benefit. Sa ngayon, fixed siya na P10,000 for sickness claim, P15,000 for death claim,” ayon sa opisyal.
Maging ang mga empleyado na nahawahan ng COVID-19 noong nakaraang taon ay maaari pa ring makatanggap ng naturang pinansiyal na tulong.
Nilinaw din ni Garcia na hindi sakop nito ang mga kawani na nasa work-from-home arrangement ng kanilang taggapan.
Gayunman, pinag-aaralan umano ng mga medical expert ang coverage para sa mga kawani na naka-work-from-home na nagkaroon ng COVID-19.
Para makakuha ng P10,000 cash assistance, narito ang mga kailangan:
- accomplished forms na downloadable sa websites ng ECC, SSS, GSIS
- certificate of employment na nagsasaad ng huling petsa ng pagpasok ng kawani sa trabaho bagong tamaan ng COVID-19
- swab test result
- medical certificate o quarantine clearance
- two valid IDs
Nitong nakaraang Abril, inaprubahan ng ECC na isama ang COVID-19 sa listahan ng occupational at work-related compensable diseases. —FRJ, GMA News