Papayagan na simula sa Oktubre ang pagbakuna ng COVID-19 vaccine sa "general population," kasama na ang mga menor de edad, matapos itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa regular press briefing nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na pinayagan ang maramihang pagbabakuna dahil sa malaking bulto ng mga COVID-19 vaccine na dumating sa bansa, at madadagdagan pa sa mga darating na linggo.
"Äng good news, inaprubahan na ni Presidente ang pagbabakuna ng general population simula po sa buwan ng Oktubre," ani Roque.
Sa kasalukuyang, mayroon "priority" groups na sinusunod sa pagbabakuna tulad ng mga nakatatanda, frontliners at may comorbidities.
Idinagdag ni Roque na pinayagan din ni Duterte na mabakunahan na ang mga menor de edad. Hinikayat niya ang mga magulang na ipalista ang kanilang mga anak.
"Ating hinihikayat ngayon ay magpa-masterlisting na po ang mga magulang ng mga kabataan para mapalista na yung mga kabataan pag nagsimula na po tayo," anang opisyal.
"Inaasahan natin na magsisimula rin tayo sa buwan ng Oktubre, aprubado na rin po iyan ng ating," dagdag niya.
Una rito, binigyan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization ang Moderna at Pfizer-BioNTech vaccine para magamit sa mga edad 12 hanggang 17.
Ayon kay Roque, si National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang nagrekomenda na bakunahan na ang mga menor de edad.
Sinabi ni Galvez sa naunang pahayag na mahigit 61 milyon doses ng COVID-19 vaccine ang darating sa bansa ngayong Setyembre at Oktubre.--FRJ, GMA News