Inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na tuloy pa rin siya sa pagtutulak kay Vice President Leni Robredo na maging kandidatong pangulo ng oposisyon sa Eleksyon 2022.
Gayunman, kung hindi pa rin magdedesisyon si Robredo kung tatakbong pangulo pagsapit ng tanghali ng Oktubre 8, sinabi ni Trillanes na siya ang tatakbong pangulo ng bansa bilang "tunay" na oposisyon.
“Tuloy ang pagtulak natin kay VP Leni to run for president. Kung tumuloy siya, ipanalo natin siya. Pero kung 'di pa rin siya makapagdesisyon by 12 nn of October 8, tuloy na po ako ng pagka-presidente,” deklara ni Trillanes sa Facebook post nitong Linggo.
Sa Oktubre 8 ang huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa May 2022 elections.
“‘Di po natin hahayaang matalo ang TUNAY na OPOSISYON ng ‘di man lang lumaban,” ayon pa sa dating senador.
Una rito, sinabi ni Robredo na patuloy siyang umaasa na mapag-iisa ang oposisyon at magpapasya siya bago sumapit ang October 8.
Sa kaniyang radio program kamakailan, sinabi ni Robredo na nakahanda siya sakaling siya ang mapili na maging "unity candidate” ng oposisyon.
Ayaw umano ni Robredo na magpatuloy pa ang uri ng pamamahala ng kasalukuyang administrasyon at ang posibleng pagbabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos—sakaling tumakbong pangulo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.— FRJ, GMA News