Inaresto ng mga pulis-Maynila ang kanilang "kabaro" na nakasibilyan dahil sa ginawang pagbunot ng baril sa apat na kabataan na nasa labas ng bahay kahit curfew na. Ang inireklamong pulis, nahuli-cam din na umiinom ng alak sa labas ng bahay.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang inarestong pulis na si Police Corporal Medel Biloan, nakatalaga sa intelligence section ng Manila Police District-Station 2.
Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay 267 dakong 2:30 am, makikita ang apat na kabataang edad 12 hanggang 18 ang nag-uumpukan sa labas ng bahay.
Lumapit sa kanila ang nakasibilyang pulis na si Biloan at may binunot na baril. Inambahan pa niyang papaluin ang mga kabataan na agad nagsiuwian.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita rin ang pulis na umiinom ng alak sa labas ng bahay.
Doon na dumating ang mga pulis at inaresto siya.
Ayon kay Police Colonel Magno Gallora, commander-MPD-Station 2, sinaway ni Biloan ang mga kabataan pero tila 'di raw pinaniwalaan kaya naglabas ng baril ang pulis.
Gayunman, aminado si Gallora na mali ang ginawa ng pulis. Pero mayroon din umanong pagkukulang ang mga magulang ng mga kabataan.
Sinabi naman ng ina ng isa mga kabataan na nagkaroon ng trauma ang kaniyang anak dahil sa ginawang pagbunot ng baril ng pulis.
Kamakailan lang, isang nakasibilyang pulis ang nakapatay ng kaniyang kaibigan nang aksidente raw na pumutok ang baril na pabiro nitong inilabas.
Ayon sa ama ng isa sa mga kabataan, dapat unahin ng pulis ang pagdesiplina sa kaniyang sarili dahil sa ginagawa nitong pag-inom sa kalye.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang inireklamong pulis na nakadetine ngayon.
Desidido naman ang mga magulang ng mga kabataan na sampahan ng reklamo ang pulis.--FRJ, GMA News