Nabisto na palihim pa rin nag-operate ang isang pagawaan ng taho sa Quezon City na unang nang ipinasara dahil umano sa kadugyutan ng lugar.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tinungo ng Quezon City Task Force Disiplina at ng pulisya ang naturang pagawaan ng taho sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang lugar nang makatanggap sila reklamo tungkol sa napakaitim umano na usok na lumalabas sa naturang pagawaan.
Nabigla ang mga taga-Task Force nang tumambad sa kanila ang mga nanlilimahid na mga balde at lalagyan ng taho.
Puno pa ng kalawang ang iba namang mga gamit, at gumagapang pa na ipis.
Nangingitim din ang sinasalukan ng tubig na panluto ng taho.
"'Yung kalinisan kulang, 'yung kaayusan sa loob ng tahuan, hindi po makita talagang puwedeng pumasa. At talaga pong masasabi natin na marumi 'yung kanilang facility," sabi ni Mary Anne Del Rosario, staff ng Task Force Disiplina.
Wala ang may-ari ng pagawaan ng taho, kaya ang kamag-anak ang sinermonan ng mga awtoridad.
Nagmakaawa ang kamag-anak na huwag muna itong ipasara.
Ayon kay Lorna Madriaga, may sakit ang pinsan niyang may-ari ng pagawaan ng taho.
Sinabi ng Task Force Disiplina na pinasara na nila ang pagawaan ng taho ilang gabi ang nakalipas, pero palihim pa rin na nag-operate.
Bukod sa mga paglabag sa protocol, nadiskubre rin ng QC-Task Force Disiplina na walang permit to operate at sanitation permit ang pagawaaan ng taho kaya nila ito ipinasara. —Jamil Santos/FRJ, GMA News