Walong bahay sa Quezon City ang nasunog nitong Miyerkules ng madaling araw. Ang ugat umano ng sunog, isang lalaking sinilaban ang kanilang bahay dahil hinihiwalayan na siya ng kaniyang kinakasama.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente bandang 4 a.m. sa bahagi ng Area 6B, Nawasa Line sa Barangay Holy Spirit.
Dahil gawa sa light materials at dikit-dikit ang mga bahay, mabilis na kumalat ang apoy. Nahirapan din ang mga awtoridad sa pagresponde dahil sa masikip na daan patungo sa lugar.
Labing-anim na pamilya ang nawalan ng kanilang mga tirahan dahil sa insidente.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, na posibleng arson ang pinagmulan ng sunog sa bahay ng pamilya Allid.
Ayon kay Angela Allid, Hunyo pa siya nakikipaghiwalay sa kaniyang kinakasama. Dahil dito, ilang beses siyang pinagbantaan ng lalaki na susunugin nito ang kanilang bahay.
Pinalabas pa muna umano ng suspek sa bahay ang kanilang panganay na anak bago nito sinilaban ang kanilang bahay.
"Matagal na po 'yon nagbabanta sa akin na susunod po na pagpunta niya, sa akin na po niya ibubuhos 'yung gas para mamatay na po ako. Kasi po ayoko na kasing sumama sa kaniya," sabi ni Allid.
"Ang pagkakaalam ko tatlong beses na ito na attempt niya. Kasi noong una pa man naapula na ng mga tao. Ngayon talaga hindi na gawa ng biglang laki ng sunog," sabi ng purok leader na si Oscar Lappay.
Pinaghahanap pa ng BFP ang lalaking salarin sa panununog sa bahay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News