Kahit sumipa ang mga kaso ng COVID-19 ngayong 2021, sinabi ng Department of Health na lumalabas na mas mababa pa rin ang case fatality rate nito kumpara noong 2020.
Sa datos ng DOH nitong Miyerkules, sinabing 1.47% ang case fatality rate (CFR) ngayon kumpara sa 2.47% noong 2020.
Sa pagtatapos ng 2020, sinabing 472,205 ang naitalang COVID-19 cases, kumpara sa 1,929,711 cases mula Enero 1 hanggang Setyembre21, 2021. Katumbas ito ng pagtaas ng 309%.
Ang National Capital Region na may pinakamaraming COVID-19 cases ngayong 2021 ang may pinakamababang CFR sa 17 rehiyon sa bansa na wala pang 1%.
Idinagdag ng DOH na mas mababa rin ang CFR sa mga senior citizens ngayong 2021 kumpara noong nakaraang taon.
“The decrease shown in the national case fatality rate was multifactorial. One of the factors that the department is considering is the overall improvement of the country’s healthcare system over the past year and its ability to cope with the higher demand for clinical assessment, referral, and management of cases," ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa kaniyang pahayag.
“The COVID-19 vaccination program also played a role in the decrease. Vaccines continue to provide the promised protection against more severe COVID-19 and deaths. Moreover, this was the effect of the strategies and behavioral-change campaigns implemented as early as August 2020 to mitigate the risk of transmission and slow down the spread of COVID-19,” dagdag niya.
Hanggang nitong Setyembre 21, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 37,074 na nasawi dahil sa COVID-19. —FRJ, GMA News