Sa tulong ng Muntinlupa police, nakauwi na sa kaniyang pamilya sa Pangasinan ang isang ina na 15 taon na naging palaboy at namalimos sa kalsada ng Metro Manila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing taong 2006 nang lumuwas ng Maynila mula sa Lingayen, Pangasinan si Dina Estrada, na 54-anyos na ngayon.
Pero mula noon, nawalan na ng komunikasyon si Nanay Dina sa kaniyang pamilya at napilitan nang maging palaboy at mamalimos.
Naranasan din daw ni Nanay Dina na kumain ng panis ng pagkain mula sa basurahan.
Sa hirap ng buhay at kawalan ng pag-asa, naiisip daw niya na sana ay dapuan na siya ng COVID-19 at mamatay na.
Ayon kay Lieutenant Riza Soledad, ng Women's Desk Muntinlupa Police, nakarating sa kanilang kaalaman ang sitwasyon ni Nanay Dina nang makipag-ugnayan sa kanila ang tanggapan ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil.
Ang anak daw ni Nanay Dina na si Mejica ang humingi ng tulong kay Bataoil.
Ang mga pulis-Muntinlupa na mismo ang naghatid kay Nanay Dina pauwi ng Lingayen.
Pero sa unang pagkakataon na magkita sina Nanay Dina at Mejica, hanggang tanaw lang muna sila dahil kailangan pang sumailalim sa quarantine ang ginang bilang pagsunod sa health protocols.
Pero nitong Lunes, tuluyan nang nagwakas ang kanilang pangungulila sa isa't isa nang matapos na ang quarantine period ni Dina at nakauwi na siya sa kaniyang pamilya.
Kung nawalan na si Nanay Dina nang pag-asa noon na makakauwi pa, si Mejica, kailanman ay hindi raw.
Umaasa rin si Mejica na matulungan sana silang maipagamot ang katarata ng ina dahil hirap rin sila sa buhay lalo na ngayong panahon ng pandemic.
Ang Kapuso Foundation, makikipag-ugnayan na kay Nanay Dina para maipatingin ang kaniyang mga mata.--FRJ, GMA News