Ipinaliwanag ng mga eksperto na hindi brand ng bakuna ang dahilan kaya mayroon pa ring nahahawahan ng COVID-19 kahit bakunado na.
"The rise in breakthrough infection is not because of waning vaccine efficacy, it is because of the Delta variant," ayon kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng technical advisory group ng Department of Health sa ginanap na Palace briefing nitong Martes.
Ayon pa kay Salvana, lahat ng brand ng bakuna ay mabisa para maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang sakit kapag tinamaan ng COVID-19.
"Mataas na mataas pa rin ang efficacy ng lahat ng vaccines against severe COVID-19 and will prevent you from dying due to COVID-19," dagdag niya.
Ayon naman kay molecular biologist Dr. Nicanor Austriaco, batay sa ginawang pag-aaral sa Davao City, lumilitaw na ang lahat ng bakuna ay 97% ang bisa para makaiwas sa "severe" COVID-19 case.
"So I would say all the vaccines are incredibly powerful. Any vaccine is better than no vaccine,” dagdag ni Austriaco, miyembro ng OCTA Research.
Sa tala ng gobyerno, wala pa umanong 1% ng fully vaccinated ang tinamaan ng COVID-19.
Ginawa nina Salvana at Austriaco ang pagtiyak sa bisa ng mga bakuna sa harap ng panawagan ni Davao City Mayor Sara Duterte sa gobyerno na mga bakuna na "Western brand" ang bilhin dahil mas gusto umano ito ng kaniyang mga kababayan.
Sinabi naman ni presidential spokesperson Harry Roque, na ang mga bakuna na galing sa China na Sinovac at Sinopharm ay aprubado ng mga eksperto sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
"The Sinovac and Sinopharm are not only approved by our FDA [for emergency use] but they are also on WHO’s emergency use listing," patungkol ni Roque sa World Health Organization.
Sa lahat ng brand ng mga bakuna na dumating sa bansa tulad ng Sinopharm, Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Moderna, Sputnik V, Sputnik Light, at Janssen, ang Sinovac pa rin ang pinakamaraming naiturok sa mga Pilipino.--FRJ, GMA News