Ibinunyag ni Senador Richard Gordon na ilang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ang nakabili ng mga mamahaling sasakyan matapos makuha ang kontrata sa gobyerno sa pagbili ng COVID-19 supplies noong 2020.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado tungkol sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 supplies sa Pharmally tulad ng face mask, face shield at PPEs, sinabi ni Gordon na ang corporate secretary ng kompanya na si Mohit Dargani ay nakakuha umano ng Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 milyon.
Samantala, ang presidente ng Pharmally na si Twinkle Dargani, isang Lamborghini Urus na P13 milyon ang presyo.
"Wala naman pong masama, kumita naman po kami. Ito ang kotse ni Mohit Dargani, ayan oh Porsche 911 Turbo, registered May 7, 2021, naganap ito April 2020... wala pang isang taon, wow, Mr. President, P8.5 million na Porsche, LTO nagbigay sa amin ng rehistro," ayon kay Gordon.
"Tingnan naman natin, kapatid ni Mohit Dargani, president ng kumpanya, Twinkle Dargani, ito naman, Lamborghini Urus, wow, P13 million," sabi pa ng senador.
"Paano mo ipapaliwanag 'yan, December 7, 2020, from April na kumita kayo, biglang may P13 million si Twinkle Dargani?" patuloy niya.
Samantala, sinabi ni Gordon na si Linconn Ong, ang director ng Pharmally, nagkaroon umano ng Lexus RCF na nagkakahalaga ng P5.9 milyon, isang Porsche Cayenne VR6 na tinatayang P6.35 hanggang P8.85 milyon ang presyo, at isang Porsche Carrera 4S na P13.5 milyon naman ang halaga.
Dumalo sa naturang pagdinig ang mga nabanggit na opisyal ng Pharmally pero hindi pa sila nagbibigay ng komento tungkol sa mga sasakyan.
Tinatayang P8 bilyong halaga ng kontrata ang nakuha ng Pharmally sa gobyerno na hinihinalang overpriced. Bago nila makuha ang kontrata, lumilitaw na P650,000 lang umano ang kapital ng kompanya.
Hiniling na ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Gordon, sa Anti-Money Laundering Council na suriin ang bank records ng Pharmally.—FRJ, GMA News