Humingi ng paumanhin si presidential spokesperson Harry Roque sa bugso ng kaniyang damdamin laban sa mga medical doctor sa nangyaring pagpupulong kamakailan patungkol sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Sa press briefing nitong Biyernes, inamin ni Roque na naging emosyonal siya matapos na madinig ang mungkahi ni Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians, at Dr. Antonio Dans, convenor ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19, na magpatupad ng dalawang linggong hard lockdown.
"Kinukumpirma ko po na tayo'y naging emosyonal at pasensiya naman po kayo at tao lamang," ayon kay Roque.
“That’s the first time that I lost my bearing in an IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) meeting, but as I said I may apologize and I have in fact apologized for the manner but never for the message,” patuloy niya.
Ayon sa kalihim, dapat iwasan na ang pagpapatupad ng hard lockdown dahil kailangang maghanap-buhay ang mga tao. Pinag-iibayo umano ng gobyerno ang vaccination program para ligtas na mabuksan na ang ekonomiya.
Nagsasalita raw si Roque para sa mga taong nagugutom at naghihirap dahil sa lockdown.
“Nagalit po talaga ako dahil sa tingin ko panahon na po na marinig ang inyong boses ng IATF. Tama na po ang lockdown, magtatagal po talaga ang COVID hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig,” giit niya.
Sabi pa ni Roque, kailangang mabalanse ang kalusugan at ekonomiya.
Sa video post ni Marlon Ramos ng Philippine Daily Inquirer sa Twitter, makikita ang pagsigaw ni Roque sa mga duktor sa pulong.
“Do not sit there as if you are the only ones right. We’re trying to achieve total health. Who wants COVID to kill people? Are you saying that only medical frontliners are concerned about the health of the people? We all want to save lives," galit na pahayag ni Roque sa video.
“We’re crying out loud. No one in the government wants a single life lost. No one! How dare you think that we are not considering steps to prevent the loss of lives?” patuloy niya.
Ayon pa sa opisyal, dapat ay "secret" umano ang pulong ng IATF.
Inihayag naman ni Limpin na nagtaka siya kung bakit galit na galit si Roque sa mungkahi.
“Wala akong sinabi can be interpreted as being arrogant," anang duktor sa panayam ng Super Radyo dzBB. --FRJ, GMA News